Wednesday, April 2, 2008


*Palm Beach Resort, Laiya Batangas, April 1, 2008, 5:30 am

Karagatan

By Phnas

April 1, 2008


Halika, hawakan ang aking kamay

At tayo’y maglakbay sa kawalan

Tulad ng dagat na di tarok ang hangganan

Magtiwala at tayo’y may patutunguhan

Kalmadong tubig at hangin ang hangad na maranasan

Sa agos ng buhay na walang sakit at pangamba

Hayaang ito ang magdikta ng kapalaran

Pag-asang sa huli, lahat ay magiging ganap

Umapak sa buhanginan, hapdi at sarap ang dulot

Sa bawat hakbang, bigat ng paa at iyong katawan

Pinong buhangi’y nananatiling kaagapay sa paghahanap ng daan

Isang kahilingang huwag ng matapos ang lahat

Ang katahimikan ng puso’t isip na dala ng dagat

Tunay na kamangha- mangha ang gawa ng Maylikha

Isang lugar kung saan maaaring makawala ang mga pangamba

Huminto panandalian ang mundo at lumutang sa walang kasiguruhan

Oras at panahon na igugugol lamang sa paghanga ng isang gawa

Ang alon, ang agos, ang alat, mga buhay na umaasa sa bigay ng dagat

Isang paraisong maaaring pagsimulan at pagwakasan ng buhay

Ialay ang lahat sa Amang nagbigay

No comments: